Original Story: http://abante.com.ph/issue/mar1710/news01.htm
Ibinunyag kahapon ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) na maraming ‘bogus’ partylist group na posibleng habol lamang ay magkapera sa pamamagitan ng ‘partylist-for-sale’ na diskarte.
Ayon kay Comelec Law Department chief Atty. Ferdinand Rafanan, may mga nakakarating na sa kanilang ulat ukol dito kaya nag-utos na ito ng masinsinang imbestigasyon.
Ang modus-operandi umano sa ipinagbibiling partylist ay bubuo at maghahain ng accreditation sa Comelec ang mga lehitimong marginalized group.
Kalaunan oras na mapagbigyan ang aplikasyon, naghahanap umano ang accredited partylist ng nominees at aalukin ang mga ito ng malaking presyo para maging kinatawan ng grupo sa Kamara oras na lumusot sa 2% votes.
Posibleng dito, aniya, pumapasok ang maiimpluwensyang personalidad gaya ng opisyal ng gobyerno, kaanak ng mga pulitiko at mapeperang indibidwal dahil sila ang may kakayahang tapatan ang inaalok na presyo ng party-list group.
Samakatuwid, sa ganitong sistema marami umanong partylist nominees na hindi naman galing sa sektor o organisasyon ng ikinakatawang marginalized group.
May duda na ang Comelec na nangyayari ang ganitong sistema, subalit hindi nagbigay ng pangalan si Rafanan kung aling grupo ang hinihinala nilang nakikinabang sa ‘partylist-for-sale’.
Aniya, gumugulong na ang imbestigasyon ng Comelec Law Department para tukuyin ang mga party-list group na pumapasok sa kompromiso.
Bagama’t may kaunting nalalaman ang komisyon, hinimok ni Rafanan ang publiko na mayroong direktang nalalaman sa ganitong sistema na maghain ng pormal na reklamo sa Comelec upang malapatan agad ng karampatang atensyon at resolusyon.
Ngunit nilinaw din ng opisyal na kailangang dumaan ito sa pagtalakay ng En Banc kung saan sasalain ang mga ihaharap na impormasyon at alegasyon.
Kamakalawa, nagpiket ang grupong ‘Kontra Daya’ sa Comelec upang iprotesta ang pagtahimik ng komisyon sa pagdami ng ‘bogus’ partylist.
Inihalimbawa ng grupo ang umano’y naulinigan nilang impormasyon na isinusulong ng dalawang partylist group bilang first nominee sina presidential son at Pampanga Rep. Juan Miguel ‘Mikey’ Arroyo at Energy Sec. Angelo Reyes.
Sumama na rin sa pagkastigo ang election watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) laban sa mga pekeng partylist group.
Samantala, itinatwa ng Malacañang ang mga party-list groups na nauugnay sa kanila sa pagsasabing hindi nila pakawala ang mga ito.
Kapwa sinabi nina deputy presidential spokespersons Gary Olivar at Charito Planas na walang kaugnayan ang palasyo sa mga inaakusahang “peke at pro-administration” party-list groups kung kaya paalma na sinabihan ng mga ito ang mga kritiko na huwag nang isabit ang Malacañang sa usapin at sa halip ay iakyat sa Comelec ang lahat ng kanilang hinaing.
“To my knowledge, this is not something that is being done. Kaya ang kausapin nila ang Comelec, huwag nilang kausapin ang Malacañang. E maski papaano nasiraan na ‘yung Malacañang tapos sasabihin nila niluto. E ito, no-win situation palagi ang ibinibigay sa atin. Ilabas n’yo na ang Palasyo dito,” ani Olivar.
Sinabi rin ng dalawang palace officials na mas makakabuti na hintayin muna ang resulta ng imbestigasyon ng Comelec sa mga iniimbestigahang partylist groups bago agad na husgahan na pakawala nga ng Malacañang ang mga ito.
Original Story: http://abante.com.ph/issue/mar1710/news01.htm
No comments:
Post a Comment